Wednesday, February 1, 2012

Anong Pipiliin Mo?


Kaninang umaga, nakita ko 'tong status ng SBC Graduate School of Business sa Newsfeed ko sa Facebook:

"When it comes to being happy, there's neither right nor wrong thing but a battle between your happiness and their judgement."

Napaisip ako bigla. Ano nga ba ang una kong iisipin?

Sa totoo lang, ako yung tipo ng tao na ayaw ang may kaaway. Yung tipong ayaw sa'yo ng taong yun, ayoko ng ganong pakiramdam. Kaya siguro masyado kong binibigyan ng pansin ang mga kumento at mga sinasabi ng ibang tao tungkol sakin. Minsan, naapektuhan na din yung mga ginagawa kong desisyon kasi ayoko yung may masasabi silang hindi maganda.

Pero paano kung sarili mo nang kaligayan ang pinaguusapan? Iisipin mo pa rin ba ang sasabihin ng iba? O hahayaan mo na lang sila para makuha mo ang hinahanap mong saya?

Siguro ako, mas iisipin ko ang kaligayahan ko, kahit na anong sabihin ng ibang tao. Mahirap kasing magsisi dahil hindi ko ginawa ang mga bagay na gusto ko dahil sa masyadong pagaalala sa tingin ng iba.

Nung highschool ako, ang tingin ng mga tao sa akin ay isang masipag na estudyante, magaling na lider, mabuting kaibigan at anak.... Masyadong mataas. Minsan, nakakasakal. Natanong ko sa sarili ko kung masaya ba ako sa ginagawa ko? O baka naman ginagawa ko lang 'to dahil gusto ng mga tao sa paligid ko?

Dumating yung puntong nakapasa ako ng UP. At inaasahan ko na ang pangungulit ng mga teacher ko, classmate ko, kamagaanak ko at mga magulang ko na doon ako magaral. Pero iba, alam kong iba ang gusto ko. Bakit ako papasok sa UP? Dahil sa isa siyang unibersidad ng mga matatalino? Dahil pwede akong ipagmalaki ng mga magulang ko kapag doon ako nagaral at nagtapos? Dahil pwede kong ipagmayabang sa mga kaklase ko na naipasa ko ang entrance exam ng isang eskwelahang mataas ang standards? HINDI. Sabi ko sa sarili ko..

"Ngayon, ako naman. Pwede ko namang patunayan na may utak ako kahit hindi ako doon pumasok. Pwede pa rin naman akong ipagmalaki ng mga magulang ko kahit sa ibang eskwelahan ako magaral at pwede ko namang ipagmalaki ang eskwelahang papasukan ko sa mga classmate ko at teacher ko. Eh doon ako masaya eh, bakit ba?"

Yun na nga. Di ako tumuloy sa UP. Sa San Beda ako pumasok. Katulad ng inaasahan, marami akong narinig na hindi magandang kumento nung panahon yon.

"Bakit hindi sa UP?"
"Ano ba yan, sayang naman yung pagpasa mo."
"Yang anak ko, pumasa ng UP, kaya lang tinanggihan at nag-San Beda"

Mahirap para sa loob kong tanggapin ang mga ganoong kumento. Para kasing sinayang ko yung mga inaasahang bagay sakin ng mga tao. Kahit ang mga magulang ko, nung una, hinayang na hinayang. Naisip ko nung puntong yon, papangatawanan ko yung desisyong ginawa ko. Alam kong hindi ako magsisisi sa huli kaysa naman sundin ko ang gusto nila at habangbuhay kong pagsisisihan ang hindi pagsunod sa sarili kong kaligayahan.

Naalala ko ang sabi ng tatay ko.. "Nak, nung una pa lang hindi na kita pinilit. Hinayaan lang kitang mamili. Alam ko naman kasing yan ang gusto mo at wala kaming magagawa don dahil buhay mo yan. Oo, nanghihinayang ako sa pagkakataong nasayang. Pero sa huli alam ko namang magiging masaya ka kasi ikaw mismo yung nagdesisyon para sa sarili mo."

Natuwa naman ako kasi kahit paano, naramdaman ko ang supporta ng magulang ko.


Ngayon, malapit na akong magtapos sa San Beda. May sagot na ako sa lahat ng mga kumento ng mga tao noon...

Bakit hindi sa UP? --- Bakit hindi sa San Beda? Eh maganda kaya dun. Kahit maliit lang yung school namin, masaya naman. Iba yung bonding ng mga estudyante.

Ano ba yan, sayang naman yung pagpasa mo. ---- Hindi naman. Masaya pa din ako na naexperience kong magUPCAT. At least di ba? Naexperience ko. :)

Yang anak ko, pumasa sa UP, kaya lang tinanggihan at nag-San Beda --- Siguro kasi nandon yung puso ko. After graduation, it is all about what you've learned and how you will apply it in real life. Ang turo samin sa San Beda, hindi mo kailangang maging matalino para maging successful, ang kailangan mong matutunan ay ang diskarte at ang magandang pakikisama sa mga magiging kasamahan mo paglabas mo ng school.

Hindi ko pa rin naman maiwasang magtanong sa sarili kapag nagpupunta ako ng UP, "Paano kung dito ako nagaral?", pero palagi ko lang inaalala yung mga masasayang pangyayari at mga natutunan ko sa San Beda. Hindi ko ipagpapalit yon at hindi ako nagsisisi na ito ang pinili ko kasi naging masaya ako.

Eto lang, hindi mo kailangang i-please ang ibang tao para lang maramdaman mong masaya ka. Kasi ang tunay na kasiyahan ay ikaw mismo ang gagawa. Sa una, mahirap kasi madaming masasalita ng hindi maganda sa likod mo. Pero pangatawanan mo lang, kasi sa huli, wala kang pagsisisihan. Ikaw ang gumawa niyan at sa isang pagkakataon sa yong buhay, naging masaya ka dahil sa desisyong ginawa mo.



PS. Wala naman po akong hurt feelings sa UP. Nagkataon lang po na yun yung gustong eskwelahan ng mga magulang ko para sakin. Naniniwala pa din ako na ang bawat estudyante ay may kanya kanyang kagalingan regardless sa school na pinasukan nila :)

5 comments: